Thursday, June 4, 2026

Kampo ni Sen. Estrada, ikinokonsiderang humirit ng hospital arrest sa Sandiganbayan  

Posibleng ikonsidera ng kampo ni Senador Jinggoy Estrada ang paghahain ng mosyon sa Sandiganbayan upang mailagay siya sa hospital arrest.
 
Ayon kay Atty. Noel Ostrea, legal counsel ni Estrada, bukod sa osteoarthritis ay mayroon ding tinatawag na joint effusion ang senador, isang kondisyon kung saan naiipon ang labis na likido sa kasukasuan ng tuhod.
 
Dahil dito, sinabi ni Ostrea na nahihirapan maging sa pag-upo ang senador.
 
Aniya, sa kanilang pagkakaalam, maaaring hindi sapat ang ordinaryong medical procedure upang matugunan ang kondisyon ni Estrada.
 
Dahil dito, kabilang sa mga opsyong kanilang pinag-aaralan ang paghiling ng hospital arrest para sa senador.
 
Kanina, pinayagan si Estrada na hindi na personal na magtungo sa Sandiganbayan para sa kaniyang arraignment at sa halip ay dumalo na lamang sa pamamagitan ng online proceedings.

Facebook Comments