
Marami na umano ang kinokunsiderang umalis sa pagiging hog raiser o sa pag-aalaga ng baboy, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG at iba pang ka-alyansa ngayong Biyernes ng umaga, Oct. 9.
Ito ay dahil nawawalan na umano ng investment at nababaon na sa utang ang industriya ng pag-aalaga ng baboy, kung kaya’t kakarampot o halos wala na rin silang kinikita.
Nasa P90 hanggang P120 na lang kasi kada kilo ang farmgate price o bentahan ng buhay na baboy mula sa mga hog raiser, kaya umaabot sa P5-k hanggang P9-k umano ang lugi sa bawat alagang baboy.
Sa isang manifesto, nanawagan ang SINAG at allied sectors na ibalik agad sa orihinal na 40% ang taripa sa imported pork na lampas sa itinakdang quota at 30% naman sa pasok sa quota, at pansamantalang itigil ang karagdagang pag-aangkat ng baboy, para mabigyan ng pagkakataon na makabangon ang lokal na industriya.
Dagdag pa rito, hinihiling din ng mga grupo na pansamantalang pigilan ang pagpapapasok ng bagong imported na karne ng baboy at ang pagpapalabas sa merkado ng mga frozen pork na nakaimbak sa cold storage, dahil maaari pa umano itong magresulta sa pagpababa ng presyo ng lokal na produkto.
Maliban dito, panawagan din ng grupo na paigtingin ang mas mahigpit na inspeksiyon sa mga imported na karne at maglabas ng update kada linggo sa halaga ng mga inaangkat, upang maiwasan ang sobrang baba ng deklaradong presyo, na maaaring magresulta sa hindi patas na kalamangan sa imported pork.










