
Sinampahan ng panibagong reklamo sa Office of the Ombudsman si Magalang, Pampanga Mayor Malu Lacson at iba pa dahil sa umano’y pamemeke ng mga dokumento para makaiwas sa pananagutan sa umano’y tunawan ng ilegal na bakal na Chuangxing Steel Corporation.
Trabahador mismo ng Kingsmen Manpower Agency ang nagsampa ng reklamong; falsification by public officers and private individuals and use of falsified documents, perjury, grave misconduct, dishonesty; at gross neglect of duty.
Maliban kay Mayor Lacson, kasali rin sa iireklamo ang asawa nito na si Odilon Lacson, Norman Lacson, Pablo Elmer Mercado at Jose Tiburcio Canlas, na sinasabing may-ari umano ng kumpanya.
Nag-ugat ang nasabing panibagong reklamo matapos umanong matuklasan ng complainants na peke ang Deed of Sale of Shares of Stock sa Kingsmen Agency, na in-attached sa kanilang Joint Counter Affidavit sa kasong reckless imprudence sa Pampanga Prosecutors Office, at ni-notaryo umano ito ng isang abogado pero wala namang record sa Angeles City Regional Trial Court batay umano sa nakuha nilang certification mula sa Office of the Clerk of Court.
Hiling ng mga complainant sa Office of the Ombudsman na agarang imbestigasyon ang mga alegasyon at agad na suspendihin si Lacson para matuldukan ang paggamit nito ng kaniyang posisyon para makapagbura ng mga ebidensya sa kanilang reklamo.










