Wednesday, June 10, 2026

Hiling na video conferencing ni dating Sen. Leila de Lima, hindi dapat ikumpara sa mosyon na isinusulong ng mayorya

Binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na hindi dapat ikumpara ang hiling na video conferencing noong 2021 para kay noo’y Senator Leila de Lima sa mosyon naman ngayon ni Senator Rodante Marcoleta tungkol sa pagpayag na dumalo ang isang senador sa sesyon via video conferencing.

Giit ni Hontiveros, COVID pandemic ng panahong iyon at ang Senado tulad sa ibang mga institusyon ay pinapayagan ang video conferencing.

Idiniin pa ng Senadora na sa ilalim ng senate rules, pinapayagan lamang ang video conferencing kung ito ay dahil sa “force majeure” o hindi maiwasang pangyayari tulad ng pandemya at kung may national emergency.

Sinabi pa ni Hontiveros na wala namang pandemya ngayon para gawin ang video conference na pagharap sa sesyon.

Mahalaga din aniyang balikan na si dating Sen. De Lima noon ay sumuko, nakulong at iginalang ang batas.

Dagdag ni Hontiveros, dapat na irespeto ang legal authorities at hindi dapat maging daan ang senado para sa isang myembro na makaboto, maimpluwensyahan ang polisiya at makatanggap ng benepisyo gayong patuloy naman ang pagiwas na sumunod sa batas.

Facebook Comments