
Muling ilalagay sa Red at Yellow Alert ang Visayas Grid ngayong Biyernes, Oktubre 23.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipatutupad ang Red Alert mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi, habang Yellow Alert naman mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.
Kabilang sa mga dahilan ng alerto ang hindi pagtakbo ng malalaking coal-fired power plant na PEDC Unit 3 at KSPC Unit 1, gayundin ang limitadong suplay ng kuryenteng inaangkat mula sa Mindanao bunsod ng mga planado at hindi planadong outage sa ilang power plant.
Sa kaugnay na balita, itataas din sa Yellow Alert ang Mindanao Grid ngayong araw mula alas-5:00 hanggang alas-6:00 ng hapon.
Ayon sa NGCP, ang pangunahing dahilan ng Yellow Alert ay ang mga planadong outage ng GNPK 4 at TSI 2, gayundin ang hindi planadong outage ng TSI 1 at Pulangi 4 Unit 2.
Ang Red Alert ay idinedeklara kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand at kinakailangang reserba ng transmission grid, habang ang Yellow Alert ay nangangahulugang manipis ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng grid.










