
Binasura ng Malacañang ang panukalang “interim arrangement” ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano sa gitna ng usapin sa liderato ng Senado.
Sa mungkahi ng kampo ni Cayetano, magkakaroon ng dalawang lagda o “dual-signatory” system sa mga tseke, voucher, kontrata, at iba pang mahahalagang dokumento ng Senado at Impeachment Court habang hindi pa nareresolba ang isyu sa liderato.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang makikitang pakinabang sa ipinanukalang pansamantalang sistema ng pamamahala na sinasabing layong protektahan ang mga empleyado ng Senado habang may sigalot sa liderato.
Dagdag ni Castro, maaari lamang itong magdulot ng panibagong kalituhan at maulit ang nangyaring alitan noon sa House of Representatives kaugnay ng term-sharing agreement nina dating Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Muling ring iginiit ng Palasyo na si Acting Senate President Win Gatchalian ang kinikilalang lider ng Senado.










