
Mariing binigyang-diin ni House Deputy Speaker Janet Garin sa Saturday News Forum na hindi ordinaryong usapin ng pera, kundi buhay ng tao, ang dahilan kung bakit sinuspinde ang deleberasyon ng panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay House Deputy Speaker Garin, sakop ng responsibilidad ng DICT ang pagbabantay sa mga social media platform na nagiging daan para mapahamak ang mga Pilipino, lalo na sa mga lending scam, kung kaya’t nababaon sila sa utang at kung minsan ay nagreresulta pa ng pagsu-suicide.
Maliban dito, sakop din umano ng DICT ang pagpigil o pagti-take down ng mga impormasyon, larawan, at video na nakaka-impluwensya sa paggawa ng karahasan ng kabataan, gaya na lang ng insidente ng pamamaril at patayan sa loob ng paaralan.
Gayunpaman, nakukulangan umano ang ilang mambabatas sa tapang o ngipin ng DICT, gayong ang opisina ng Facebook sa bansa ay para sa marketing o para lang kumita nang walang kaakibat na accountability o pananagutan, kung kaya’t kailangan pang idulog sa opisina ng Facebook sa Singapore ang mga concern sa nakababahalang content bago ma-take down.










