
Iginiit ni House Majority Leader at Zamboanga City Representative Manuel Jose Dalipe na hindi isang krimen ang pagpasa sa panukalang budget para ngayong taon dahil ito ay pangunahing responsibilidad ng Kongreso.
Pahayag ito ni Dalipe, makaraang siya, kasama sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at dating House Appropriations Committee Chairman Representative Zaldy Co, ay sampahan ng reklamo sa Ombusdman kaugnay sa umano’y mga blangko sa 2025 national budget.
Malinaw para kay Dalipe na “politically motivated” ang pagsasampa ng reklamo lalo’t mga lider ng Kamara lamang ang kasama sa mga pinakakasuhan.
Diin pa ni Dalipe, kaduda rin kung bakit kabilang si former Speaker Pantaleon Alvarez sa mga complainants gayong miyembro ito ng Kamara at marami siyang pagkakataon na kwestyunin ang panukalang 2025 national budget kung may nakita itong mali.
Pinuna rin ni Dalipe ang timing ng pagsasampa ng reklamo na itinaon sa panindigan ng Kamara na dapat ay gawing tama at naaayon sa batas ang paggastos sa pera ng taumbayan.