
Nakaranas ng pag-ulan ng abo ang ilang bahagi ng Negros Occidental kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon ngayong Sabado kaninang tanghali.
Sa Barangay Kumaliskis sa Don Salvador Benedicto, nai-ulat ng mga residente na may abo mula sa bulkan na kumapit sa kanilang mga gamit at halaman.
Alas-12:46 ng tanghali nang magkaroon ng moderately explosive eruption ang Bulkang Kanlaon na nagdulot ng ashfall sa ilang bahagi ng Negros Occidental at Negros Oriental.
Samantala, nagbabala naman ang Department of Health (DOH) sa masamang epekto sa kalusugan ng paglanghap ng abo mula sa bulkan. Pinapayuhan ang mga residente na manatili muna sa loob ng bahay at gumamit ng N95 mask kung kinakailangang lumabas.
Para naman sa mga motorista, pinapayuhang iwasan muna ang pagbibiyahe dahil maaaring magdulot ng halos zero visibility ang makapal na abo at makasira sa makina ng sasakyan.
Nagpaalala rin ang DOH na takpan ang mga lalagyan ng inuming tubig, hugasang mabuti ang mga pagkain at ilagay sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop.










