Hindi lamang anibersaryo ang ipinagdiwang ng RMN Foundation, kundi isang araw ng saya, serbisyo at pagmamalasakit para sa mga nakatatanda sa komunidad.
Sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng RMN Foundation, nasa 100 senior citizens mula sa Barangay Mangin, Dagupan City ang naging sentro ng isang espesyal na pagtitipon na naglalayong iparamdam sa kanila ang pagpapahalaga at pagkalinga ng komunidad.
Sa ilalim ng “Idol Ko Si Lolo’t Lola: Grandparents Celebration 2026,” binigyan ng pagkakataon ang mga lolo at lola na makapag-relax at ma-enjoy ang araw matapos silang mabigyan ng libreng haircut at hair color, gayundin ng massage services.
Hindi rin nagpahuli ang salu-salo para sa mga senior citizens sa pamamagitan ng Ma. Corrina Canoy Feeding Program, na naghanda ng pagkain upang pagsaluhan ng mga benepisyaryo.
Bukod sa serbisyo at pagkain, umuwi rin ang mga senior citizens na may dalang mga giveaway tulad ng bigas, kape, asukal at dental kits—mga simpleng handog na naging dagdag na biyaya sa kanilang araw.
Para sa RMN Foundation, ang anibersaryo ay higit pa sa paggunita sa mga taon ng paglilingkod. Isa rin itong pagkakataon upang makapagbahagi sa mga komunidad at makapagbigay ng munting saya sa mga taong patuloy na nagsisilbing haligi ng kanilang mga pamilya at pamayanan.
Sa pamamagitan ng “Idol Ko Si Lolo’t Lola,” muling ipinakita ng RMN Foundation na ang tunay na selebrasyon ay higit na nagiging makabuluhan kapag naipapadama ito sa iba—lalo na sa mga nakatatandang karapat-dapat pahalagahan, pasalamatan at alagaan.
Hatid ang programa ng RMN Network, RMN Foundation at ng idol mong FM 104.7 iFM Dagupan, katuwang ang kanilang mga partners at sponsors na naging bahagi ng tagumpay ng aktibidad.
Sa ika-14 na taon ng RMN Foundation, isang mensahe ang muling namutawi na ang bawat anibersaryo ay mas makahulugan kapag ipinagdiriwang kasama ang komunidad at ginagawang pagkakataon upang maghatid ng malasakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









