POSIBLENG PAMUGARAN NG LAMOK AT AHAS, NILINIS SA BAYAMBANG

Nagsagawa ng clean-up drive sa kahabaan ng Quezon Boulevard sa Bayambang, Pangasinan nitong Martes, September 8, bilang bahagi ng mga hakbang upang mabawasan ang mga posibleng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

‎Kabilang sa nilinis ang mga bahagi sa harapan ng Bayambang National High School at Central Terminal na tinubuan na ng makakapal na damo at halaman.

‎Inalis ang mga damo at iba pang kalat na maaaring pagmulan ng naiipong tubig at maging posibleng pamugaran ng mga lamok, partikular ngayong nakararanas ng madalas na pag-ulan at pagbaha ang ilang lugar.

‎Nilinis din ang mga masukal na bahagi na posibleng pamahayan o pagtaguan ng mga ahas at iba pang hayop, lalo na matapos ang pagbaha.

‎Pinangunahan ng Task Force Disiplina at Bayambang Public Safety Office o BPSO ang operasyon, katuwang ang Ecological Solid Waste Management Office.

‎Layunin ng paglilinis na mapanatiling maayos at ligtas ang mga pampublikong lugar, partikular ang mga bahaging madalas daanan ng mga estudyante, commuter at iba pang residente.

‎Kasabay nito, hinihikayat ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang paligid at alisin ang mga lugar na maaaring pag-ipunan ng tubig upang makatulong sa pag-iwas sa pagdami ng lamok. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments