DOH REGION 1, NAGPAALALA SA MGA DAPAT GAWIN KONTRA RABIES SA URDANETA CITY

Muling iginiit ng Department of Health (DOH) Region I ang kahalagahan ng agarang pagkilos kapag nakagat o nakalmot ng aso o pusa.

Ito ay kasabay ng paghahanda para sa paggunita ng World Rabies Day sa Setyembre 28.

Sa panayam sa Urdaneta City Health Office noong Setyembre, sinabi ni Ana Fe D. Perez, Nurse V ng DOH Region I, na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang anumang kagat o kalmot ng hayop dahil hindi nakikita ang rabies virus.

Ayon kay Perez, kailangang hugasan agad ng sabon at malinis na tubig ang sugat sa loob ng 15 minuto, saka pahiran ng Betadine. Hindi aniya dapat gumamit ng alcohol sa sugat.

Kasunod nito, dapat umanong magtungo agad sa pinakamalapit na Animal Bite Center, kahit maliit lamang ang sugat, upang matukoy kung kinakailangan ng bakuna o iba pang kaukulang lunas.

Ipinaliwanag din ni Perez na may post-exposure prophylaxis (PEP) para sa mga nakagat o nakalmot na, habang ang pre-exposure prophylaxis (PrEP) ay para sa mga taong palaging nakalalapit o nakakasalamuha ng mga hayop.

Ayon sa DOH, mahalaga ang pagbibigay ng kaalaman sa mga residente ng Urdaneta City ukol sa rabies, isang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng agarang pagkilos at tamang pagpapatingin matapos ang exposure. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments