Wala pa ring pasok ngayong Miyerkoles, Agosto 12, 2026, sa Dagupan City at ilang bayan sa Pangasinan dahil sa patuloy na epekto ng pagbaha at mataas na lebel ng tubig sa ilang lugar.
Kabilang sa mga nagpatupad ng suspensyon ang Dagupan City, Calasiao, Lingayen at Mangatarem, bagama’t magkakaiba ang saklaw ng kani-kanilang kautusan.
Sa Dagupan City, suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, kabilang ang colleges at universities, alinsunod sa Executive Order No. 47, Series of 2026.
Suspendido rin ang trabaho sa City Government at mga national government agencies na nasa lungsod, maliban sa mga personnel na nagbibigay ng essential at emergency services.
Ayon sa kautusan, patuloy na nakaaapekto sa lungsod ang high tide, mataas na lebel ng Sinocalan River at pagdaloy ng tubig mula sa upstream areas, dahilan upang manatiling baha at hindi madaanan ang ilang kalsada at access routes.
Sa Calasiao, suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa patuloy na pagbaha bunsod ng Habagat at pagtaas ng tubig sa Sinocalan River.
Wala ring pasok sa mga tanggapan ng Lokal na Pamahalaan ng Calasiao, maliban sa mga nakatalaga sa disaster response, health at public safety. Ang pasok naman sa national government agencies at pribadong sektor ay nakasalalay sa desisyon ng kani-kanilang heads of office, managers o owners.
Sa Lingayen, suspendido naman ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan dahil sa patuloy na banta ng pagbaha. Para sa mga pribadong paaralan, nasa pagpapasya ng kani-kanilang school administration ang pagsususpinde ng klase.
Wala ring face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Mangatarem, alinsunod sa Executive Order No. 193, Series of 2026.
Ipinatupad ang suspensyon sa Mangatarem dahil sa pagbaha sa ilang barangay, mga bahagi ng kalsadang hindi madaanan at paggamit sa ilang paaralan bilang evacuation centers ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Sa kabuuan, nananatiling pangunahing dahilan ng suspensyon sa mga nabanggit na lugar ang mataas na baha, kondisyon ng mga kalsada at panganib sa pagbiyahe ng mga estudyante, guro, manggagawa at iba pang residente.
Patuloy namang minomonitor ng mga lokal na pamahalaan ang sitwasyon habang pinapayuhan ang publiko na bantayan ang mga opisyal na anunsyo sakaling magkaroon ng pagbabago sa class at work suspension na ipinapaubaya ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga LGU. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









