Saturday, September 5, 2026

ILANG BUS TERMINAL, NAGSASAGAWA MUNA NG ROTATIONAL SCHEDULE UPANG MAIPAGPATULOY ANG BIYAHE SA GITNA NG BAHA

Dahil sa pagtaas ng tubig baha sa mga pangunahing kalsada, napilitan ang ilang bus terminal na magkaroon ng rotational schedule sa mga ordinary buses upang ibyahe.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Francis Mararac, Operation Manager/Dispatcher ng isang bus terminal cooperative, nagsasakripisyo na umano sila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng rotational schedule sa kanilang mga bus upang mabawasan ang maintenance at mapanatili ang kanilang operasyon.

Dagdag pa niya, dahil sa sinusunod muna ang alternatibong ruta, mas napapalayo ang kanilang biyahe bunsod ng pagtaas ng tubig-baha sa mga pangunahing kalsada.

Gayunman, hindi pa rin nadadagdagan ang kanilang pamasahe dahil mayroon silang sinusunod na fare matrix sa kanilang cooperative.

Sa huli, patuloy pa rin ang kanilang operasyon dahil marami pa ring residente ang umaasang may masasakyan, lalo na ang mga kailangang pumasok sa trabaho at nagmumula sa malalayong lugar.

Bukod dito, mahalaga rin umano ang pagpapatuloy ng kanilang biyahe upang may mapagkakitaan ang kanilang mga driver at operator para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, sa kabila ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments