Saturday, September 5, 2026

SEGURIDAD AT KALINISAN SA EVACUATION CENTER SA CALASIAO, SINIGURO NG MGA AWTORIDAD

Halos isang libong evacuees na ngayon ang nanunuluyan sa Calasiao Sports Complex dahil nananatiling lubog sa baha ang kanilang mga tahanan.

Kaliwa’t kanan ang mga nakalatag na higaan, lutuan, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang halos isang buwan nang nananatili sa evacuation center.

Si Nanay Carmen Calaunan, na unang lumikas noong nakaraang Lunes, ay inabutan na rin ng kanyang kaarawan sa evacuation center.

Ayon kay Editha B. Gorospe, Municipal Social Welfare and Development Officer ng Calasiao, halos isang libong indibidwal na ang kasalukuyang nananatili sa evacuation center, at karamihan sa mga ito ay mga bata.

Sa kabila nito, tiniyak ng MSWD na sapat ang mga pagkaing naipamamahagi, gayundin ang mga pasilidad at seguridad para sa lahat ng evacuees.

May nakalaang iskedyul kada barangay, na pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center, ang nakatoka sa paglilinis ng mga banyo, pagluluto, at iba pang kinakailangang gawain para mapanatili ang kaayusan sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments