
Naniniwala si Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Chairman Senator Francis Tolentino na magkaka-ugnay ang mga espionage activities ng ilang Chinese nationals sa bansa at ang mga natuklasang submersible drones na namataan sa iba’t ibang karagatan ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senado ay tinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) ang ilan sa mga kaso ng espionage activities kung saan gumagamit sila ng mga devices tulad ng IMSI catcher (International Mobile Subscriber Identity Catcher), LIDAR devices at GNSS (global network satellite system).
Gamit ang mga devices na ito na naka-install aa mga sasakyan ay sinabi ng NBI na makukuhaan na ng topographic mapping ang mga lugar na may kritikal na imprastraktura tulad ng military camps, seaports, airports, communication towers at iba pa.
Batay pa sa imbestigasyon ng NBI at Armed Forces of the Philippines (AFP), konektado ito sa satellite at ang mga datos na nakukuha rito ay na-access ng isang IP address na nasa China.
Tinukoy rin sa pagdinig ang limang Chinese nationals na nahuli sa pagsasagawa ng espionage activities sa Palawan at posibleng ang surveillance na kanilang ginagawa ay nalalaman ng mga Chinese vessels ang galaw ng mga barko ng bansa kabilang ang resupply mission ng AFP sa West Philippine Sea.