Ilang domestic flights, kanselado

Kanselado ang ilang biyahe ng mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), dalawang domestic flights ng Cebu Pacific Airline ang nagkansela ng biyahe.

Kabilang dito ang Flight 5J 504 na biyaheng Manila-Tuguegarao at Flight 5K 505 na biyaheng Tuguegarao-Manila.


Nabatid na nakararanas ng hindi magandang lagay ng panahon ang Tuguegarao dahil sa shearline o ang linya kung saan nagtatagpo ang northeasterly wind flow at ang easterlies na nagdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Hilagang Luzon.

Inaabisuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa airline company para sa rebooking o kaya ay refund ng bayad sa pasahe.

Humihingi naman ng pang-unawa ang Cebu Pacific sa biglaang kansela mg biyahe kung saan para na rin ito sa kaligtasan ng mga pasahero at ng kanilang mga empleyado.

Facebook Comments