
Muling kinalampag ng mga labor group ang Malacañang para ipatupad na ang naudlot na dagdag sahod sa Metro Manila.
Sinabi ni Association of Democratic Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (KMU) President Doods Gerodiaz, dapat ay agad nang ipatupad ang wage increase sa National Capital Region o NCR.
Maliban sa hirit na dagdag-sahod, isinusulong din ng mga grupo ang pagpapatupad ng family living wage na P1,200 para sa lahat ng manggagawang Pilipino sa buong bansa.
Paliwanag ng labor leader, patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin pero hindi pa rin nararamdaman ang solusyon dito ng pamahalaan.
Malaki na aniyang tulong ang hinarang na dagdag-sahod na makatutulong sana sa mga manggagawa.
Kung maalala, pansamantalang hindi muna ipinatupad ang P85 dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR) dahil sa inilabas na status quo ante order o temporary restraining order (TRO) ng Pasig Regional Trial Court (RTC).
Samantala, dala ang kanilang mga placard, tinawag din ng mga nagprotesta na “Hari ng Pambabarat” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay dahil sa pagharang sa mga panukalang pagtaas ng sahod at mga polisiyang nagpapanatili sa mababang antas ng kita ng mga manggagawa sa buong kapuluan.










