
Naglabas ng pahayag ang Korte Suprema kaugnay sa sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kahapon.
Ito ay matapos ipunto ni Remulla sa deliberasyon para sa panukalang 2027 budget ng kanilang tanggapan ang mga umano’y delay sa justice system ng bansa at marami sa mga kasong ibinasura ng Ombudsman ang binaliktad kalaunan ng Court of Appeals.
Ayon sa SC, sang-ayon sila sa sinabi ng Ombudsman na kailangang maging accountable sa publiko ang mga paglilitis sa korte sa lahat ng antas alinsunod sa ating Konstitusyon.
Seryoso anilang tinututukan ang mga alegasyon ng partiality, misconduct at katiwalian sa hudikatura.
Sa kabila nito, makaka-kilos lamang daw ang Korte kapag may pormal na reklamong nakahain, may ebidensya, at nabigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag ang mga hukom o mahistradong sangkot dito.
Sinabi ng SC na hindi nila maaaring aksyunan ang mga alegasyon sa buong appellate court batay lamang sa mga public statements.
Dahil dito, inimbitahan ng Kataas-taasang Hukuman si Ombudsman Remulla na pormal na maghain ng reklamo at ebidensiya upang maimbestigahan sa pamamagitan ng tamang proseso.
Binigyang-diin pa ng SC na kinilala nila ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag kabilang ang pagpuna sa mga korte at kanilang mga desisyon pero dapat idaan sa proseso at maresolba nang patas ang mga seryosong alegasyon.










