Matagumpay na ipinagdiwang ng City Health Office (CHO) ng Urdaneta City ang National Lung Month 2026 nitong Agosto sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad na naglalayong palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa kalusugan ng baga at maagapan ang mga sakit tulad ng tuberculosis (TB), asthma, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at pneumonia.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, inilunsad ng CHO ang isang espesyal na episode ng CHIKALusugan. Tinalakay ang mga sintomas, pag-iwas, at mga available na paggamot para sa asthma, COPD, pneumonia, at tuberculosis.
Sa unang aktibidad sa Barangay Cabuloan, nasa 156 indibidwal ang nabigyan ng libreng chest X-ray. Sinundan ito ng aktibidad sa Barangay Pinmaludpod, kung saan 162 indibidwal naman ang napagsilbihan at nakatanggap ng libreng chest X-ray.
Noong Agosto 14, inimbitahan din ang isang kinatawan ng CHO bilang resource speaker sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Male Dormitory bilang bahagi ng Lung Month celebration. Nakatuon ang talakayan sa mahalagang ugnayan ng tuberculosis at HIV (TB-HIV), kabilang ang kahalagahan ng maagang pagtukoy, pag-iwas, at wastong pamamahala sa dalawang kondisyon.
Nagpatuloy ang mga aktibidad noong Agosto 25 sa pamamagitan ng panibagong TB Cough Caravan para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa BJMP Male at Female Dormitories. Nagbigay naman ng technical assistance ang CHO upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Sa naturang aktibidad, 415 PDL at 117 tauhan ng BJMP ang nabigyan ng libreng chest X-ray.
Ayon sa City Health Office, naging matagumpay ang pagdiriwang ng National Lung Month ngayong taon. Nalampasan ng bilang ng mga dumalo at lumahok sa mga aktibidad ang inaasahan, habang naging positibo rin ang pangkalahatang pagtanggap ng komunidad sa mga programang isinagawa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











