Nahagip ng CCTV ang isang insidente ng umano’y pagnanakaw ng kambing sa Purok 2, Barangay Maasin sa Mangaldan, Pangasinan.

Batay sa CCTV footage na nakalap ng barangay kaugnay ng insidente, makikita ang isang indibidwal at isang tricycle na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagkawala ng kambing.

Dahil dito, nananawagan ang Barangay Council ng Maasin sa mga residenteng maaaring nakakakilala sa indibidwal na makikita sa footage o may impormasyon tungkol sa tricycle na makipag-ugnayan sa barangay.

Maaari ring iparating ang anumang impormasyon sa may-ari ng nawawalang kambing upang maisumite sa mga kinauukulang awtoridad at makatulong sa imbestigasyon.

Hinihikayat naman ang mga residente na manatiling mapagmatyag, partikular sa kanilang mga alagang hayop at ari-arian, upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

Gayunman, pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang agarang pagbibintang o pagtukoy sa sinumang makikita sa CCTV bilang responsable sa insidente hangga ’t hindi ito napapatunayan sa imbestigasyon.

Sa ngayon, ang pagkakakilanlan ng indibidwal at ang kanyang posibleng pagkakasangkot sa pagkawala ng kambing ay kailangan pang beripikahin ng mga kinauukulang awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments