BAHA, HINDI NAGING HADLANG SA PAGHAHANAPBUHAY NG ILANG TRICYCLE DRIVER

Sa kabila ng nararanasang pagbaha sa Dagupan City, hindi nagpadaig sa kalamidad ang tricycle driver na si Saldy Naraja at pansamantalang lumipat ng pwesto upang maipagpatuloy ang kanyang pamamasada.

‎Mula sa kanilang orihinal na pwesto sa Tapuac, lumipat muna si Naraja at ilan sa kanyang mga kasamahan sa bahagi ng M.H. Del Pilar Street dahil mataas ang tubig-baha sa kanilang pinipwestuhan.

‎Aniya, kailangan nilang lumipat upang makakuha pa rin ng mga pasahero at magkaroon ng kita. Kung hindi umano siya aalis sa dating pwesto, wala siyang mapapala at wala ring maiuuwi sa kanyang pamilya.


‎Nakasuot din siya ng bota habang namamasada upang maprotektahan ang sarili laban sa mga posibleng sakit na maaaring makuha mula sa maruming tubig-baha.

‎May ilan naman umanong kapwa niya drayber na napipilitang lumusong sa baha nang walang suot na bota.

‎Taga-Bonuan Binloc si Naraja, kung saan halos isang buwan na ring nasa evacuation center ang kanyang pamilya dahil sa baha.


‎Sa ngayon, tiis-tiis muna umano ang kanilang ginagawa upang patuloy na kumita, lalo’t hindi rin nila kayang lumusong at magbabad sa tubig-baha dahil sa panganib na maaaring idulot nito sa kanilang kalusugan.

‎Samantala, gumagamit muna ng mga alternatibong ruta ang mga motorista at pampublikong sasakyan upang maipagpatuloy ang kanilang biyahe at pamamasada.

‎Patuloy namang nakaantabay ang Public Order and Safety Office (POSO) Dagupan sa galaw at daloy ng trapiko sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments