
Tumulong na rin ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglilinis at paghakot ng mga basura sa Redemptorist Water Channel sa southbound ng Roxas Blvd. sa Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Nabatid na sangkaterbang basura ang naipon sa nasabing daluyan ng tubig na inanod mula sa Manila Bay.
Nauna nang nagsagawa ng paglilinis ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Parañaque at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lugar kung saan nasira ang inilagay na trash trap sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng habagat.
Hinahakot ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), MMDA at Parañaque LGU ang mga basura mula ilalim ng tulay sa Diokno Blvd., Macapagal Blvd. hanggang Roxas Blvd.
Personal na ininspeksyon ni DPWH Sec. Vince Dizon ang ginagawang paglilinis kung saan inatasan niya ang mga tauhan na magdagdag pa ng mga equipment at tauhan upang mabilis na matapos ang gawain.
Pinapaayos na rin ng kalihim ang nasirang trash trap at nais niya na mas maging matibay na ang ilalagay rito para hindi na masira sa tuwing malakas ang agos ng tubig bunsod ng pag-ulan.










