
Isinusulong ni Senate Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang pagkakaroon ng malinaw na legal framework para sa part-time workers.
Sa ilalim ng Senate Bill 2375 o ang “Part-Time Employment Act” na layong magtatag ng malinaw na legal framework para sa part-time employment at tiyaking natatamasa ng mga part-time workers ang kaparehong karapatan at benepisyong tinatanggap ng mga full-time na empleyado.
Tinukoy ni Villanueva na sa ngayon ay wala pang tiyak na probisyon sa Labor Code na sumasaklaw sa part-time work sa kabila ng lumalaking pangangailangan para sa flexible work arrangements.
Sa ilalim ng kanyang panukalang batas, makatatanggap ang mga part-time employee ng proportional na sahod na hindi bababa sa minimum wage, gayundin ng benepisyo sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG, security of tenure, leave benefits, retirement pay, at karapatang mag-organisa at makipagkasundo sa pamamagitan ng collective bargaining.
Inaatasan din sa panukala ang Department of Labor and Employment o DOLE na bumalangkas ng implementing rules sa loob ng 90 araw upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng panukala at ang sapat na proteksiyon sa mga part-time worker.










