
Aabot sa mahigit ₱174 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na produkto ang nasabat sa isang warehouse sa Valenzuela City sa operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan ang inspeksyon ni Vincent Philip Maronilla, Assistant Commissioner ng BOC, sa bisa ng Letter of Authority matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na vape products.
Nadiskubre rin sa operasyon ang iba’t ibang electronic devices, gamot, pagkain, damit, cosmetics, at LED items na umaabot sa ₱174.8 milyon.
Sa pahayag ng BOC, walang import permits ang mga produkto at posibleng lumalabag sa intellectual property rights.
Pinaniniwalaang nagmula sa China ang mga ito at maaaring makapinsala sa kalusugan kapag naipamahagi.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang BOC sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng smuggled na produkto.










