ILANG PAMILYA SA PEREZ AT MAYOMBO DAGUPAN CITY, HINDI PA MAKABALIK SA BAHAY DAHIL SA BAHA; 365 RELIEF PACKS, IPINAMAHAGI

‎Patuloy na nakararanas ng pagbaha ang mga residente ng Barangay Perez at Mayombo sa Dagupan City, kung saan marami pa ring pamilyang apektado ang nananatili sa mga evacuation center.

‎Bilang tugon sa kanilang pangangailangan, nagsagawa ng relief operation para sa mga residenteng apektado ng baha, kabilang ang mga Persons with Disabilities o PWDs mula sa mga karatig na lugar.


Umabot sa 365 packs ng relief goods ang naipamahagi, na bawat isa ay naglalaman ng limang kilo ng bigas, delata, kape at noodles.


Ang mga ito ay mula sa PANDA Volunteer Fire Brigade – Dagupan Filipino Chinese Community Association o DFCCA, na nagpaabot ng tulong sa mga pamilyang hindi pa makabalik sa kanilang mga tahanan dahil sa baha.


Ayon kay Fire Chief Jarvin Chua ng DFCCA PANDA, mahalagang makatulong ang kanilang grupo sa mga pamilyang patuloy na apektado ng pagbaha.


‎Samantala, sinabi ni Barangay Herrero-Perez Punong Barangay Generoso T. Gomez na malaking tulong ang relief goods para sa mga evacuee na nananatili sa iba’t ibang evacuation centers.


‎Iginiit ng barangay council ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga residente, pribadong sektor, volunteer groups at iba pang benefactors upang maibsan ang hirap ng mga pamilyang apektado ng baha.


Nanawagan din ang mga opisyal sa mga indibidwal, organisasyon at pribadong sektor na nais magpaabot ng donasyon.


Anila, malaki man o maliit ang tulong, malaking bagay ito sa mga residenteng patuloy na nangangailangan ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan habang nananatiling lubog sa baha ang ilang bahagi ng lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments