Standupper: Naging usap-usapan ang mungkahing boluntaryong kontribusyon na aabot sa ₱170,598 kada Pilipino upang makatulong sa pagbawas ng ₱19.66-trilyong pambansang utang ng Pilipinas.
Ang ideya ay inilutang ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kasabay ng panawagang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan upang mahikayat ang mga mamamayan na makiisa sa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin ng bansa.
Umani naman ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa ilang Pangasinense. Ayon sa kanila, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado at sahod sa Rehiyon Uno, mahirap nang pagkasyahin ang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Dagdag pa nila, nagbabayad na ang mga mamamayan ng buwis sa mga produkto at serbisyong kanilang kinokonsumo, kaya’t kinukuwestiyon nila kung bakit kinakailangan pang magbigay ng boluntaryong kontribusyon para sa pambansang utang na anila’y dapat tugunan ng pamahalaan.
Isa na rito si alyas Alas, na hindi sang-ayon sa naturang mungkahi.
Samantala, iginiit naman ng iba pang Pangasinense na mas dapat pagtuunan ng pansin ang mga dahilan ng patuloy na paglobo ng utang ng bansa upang maiwasan ang panibagong pangungutang.
Binigyang-diin din nila na mas nararapat unahin ng pamahalaan ang pagtugon sa kahirapan at pagpapagaan sa pang-araw-araw na gastusin ng mga Pilipino.
| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








