
Humingi ng paumanhin si Senator Erwin Tulfo sa mga kapwa senador tungkol sa aniya’y marahas na pahayag na ipaaaresto, kukwelyuhan at bibitbitin palabas ng session hall ang senador na magsasagawa ng pekeng pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Naunang pinatungkulan dito ang paksyon ni Senator Alan Peter Cayetano na nagsagawa ng pagdinig noong nakaraang Huwebes patungkol sa maanomalyang flood control projects kung saan humarap ang 18 resource persons na umano’y dating tauhan ni dating Congressman Elizaldy Co.
Aminado si Tulfo na hindi ito ang dapat na asal ng isang opisyal lalo na ng isang senador.
Dala lamang aniya ng bugso ng damdamin ang mga nasabi sa hangaring hindi na maantala pang muli ang trabaho sa Senado subalit batid niyang ito ay mali pa rin.
Bukod sa paghingi ng paumanhin kina Cayetano at sa mga senador sa bloc nito, humingi rin ng kapatawaran si Sen. Erwin sa mga kababayan dahil sa hidwaan ng mga senador na dahilan kaya hindi umusad ang pagpapasa ng mga mahahalagang batas at pagkaparalisado ng kanilang mandato.
Nanawagan si Tulfo sa mga nakaalitang mga kapwa senador na tapusin na nila ang pagkawatak-watak dahil sa labas ng Senado sila ay magkakasundo naman at ituloy na ang kanilang mga trabaho sa Mataas na Kapulungan.










