Monday, June 8, 2026

Mga empleyadong absent dahil sa epekto ng malakas na lindol, hindi dapat parusahan—DOLE

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na hindi dapat maparusahan ang mga empleyado nilang hindi makakapasok kasunod ng malakas na lindol sa Saranggani at mga karatig lugar kaninang umaga.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, maaari ding suspendihin ang trabaho sa ganitong sitwasyon alinsunod sa Labor Advisory No. 15, Series of 2025.

Hinihikayat naman ang lahat ng employers na magbigay ng karagdagang insentibo sa mga papasok sa trabaho gaya ng hazard pay, compensatory time off, transportation service, at food allowances.

Inabisuhan din ang mga manggagawa na agad ipaalam sa kanilang employer kung may panganib o banta sa kanilang kaligtasan papunta sa trabaho dahil sa malakas na lindol.

Habang ang mga kawani na nagtatrabaho sa public utilities, health services, vital operations, at bahagi ng skeleton workforce ay dapat matanggap ang buong sahod at iba pang benepisyo sa ilalim ng Labor Code.

Facebook Comments