
Naibalik na ang 85% ng suplay ng kuryente sa mga lugar sa Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kaniyang pagbisita sa General Santos City, sinabi ng pangulo na may ilang lugar pa ring hindi naaabot ng mga power crew dahil sa mga sirang kalsada at landslide na dulot ng lindol.
May dalawa ring planta ng kuryente na hindi pa naibabalik sa operasyon dahil hindi pa makapasok ang mga engineer at kagamitan sa mga apektadong lugar.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad upang tuluyang maibalik ang normal na suplay ng kuryente.
Tiniyak naman ng pangulo na patuloy pa ring naihahatid ang pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga komunidad na hindi pa madaanan ng sasakyan sa pamamagitan ng helicopter, kabilang ang ilang lugar sa Glan, Sarangani.










