Friday, May 8, 2026

ILANG SUSPEK, TIMBOG SA SUNOD-SUNOD NA BUY-BUST OPERATION SA PANGASINAN

Nasabat ng mga awtoridad ang iba’t ibang halaga ng hinihinalang shabu sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa mga bayan ng Pozorrubio, Mangatarem, at lungsod ng Urdaneta sa Pangasinan.

Sa ulat ng pulisya, naaresto ng mga operatiba ng Pozorrubio Municipal Police Station (MPS) ang isang 36 anyos na lalaki sa Pozorrubio, Pangasinan matapos ang isinagawang buy-bust operation sa koordinasyon ng PDEA Region 1 at nakumpiska ang tinatayang 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,200 na nakalagay sa dalawang heat-sealed plastic sachet.

Samantala, nadakip ng Mangatarem Police Station ang isang 29 anyos na construction worker na residente ng Urbiztondo, Pangasinan sa isa ring buy-bust operation at nakuha mula sa kanya ang 0.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,360. Nasamsam din ang isang tunay na P500 buy-bust money at cellular phone.

Sa isa pang operasyon na isinagawa ng Mangatarem MPS, arestado ang isang 23 anyos na construction worker mula rin sa Urbiztondo at narekober mula sa suspek ang 0.10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680.

Samantala, naaresto naman ng Urdaneta City Police Station ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa Urdaneta City at nakumpiska ang anim na gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P40,800 at nakalagay sa dalawang heat-sealed plastic sachet.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad habang inihahanda ang kaukulang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments