Iba’t ibang reaksyon ang ipinahayag ng mga tagasuporta at residente ng Urdaneta City kasunod ng utos ng Office of the Ombudsman na i-dismiss sa serbisyo sina Mayor Julio Fernandez Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno at anim na konsehal dahil sa administratibong paglabag.
Ang ilang tagasuporta ng alkalde ay nagpahayag ng kanilang suporta at pakikiisa upang ipaglaban umano ito sa kinahaharap na kaso.
Samantala, may ilang residenteng tumangging magpakita sa kamera, subalit nagpahayag ng pag-aalala kung may papalit sa mga dinismis na opisyal upang matiyak na magpapatuloy ang mga serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa mamamayan.
Isa ring prayer rally ang isinagawa kahapon, October 18, 2026 kung saan dinaluhan ng mga residente at mga tagasuporta ng mga nabanggit na opisyal bilang tanda umano ng kanilang pakikiisa, suporta at pagdarasal para sa kanilang lungsod.
Matatandaang sa desisyon ng Ombudsman noong April 15, 2026, napag-alamang may pananagutang administratibo ang mga opisyal dahil sa grave misconduct at neglect of duty.
Kabilang rin sa mga parusang ipinataw ang diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan at pagkuha ng civil service examination, gayundin ang pagkawala ng kanilang mga benepisyo sa pagreretiro.
Nag-ugat ang mga reklamo sa umano’y pagkabigo ng mga opisyal na sumunod sa notice of suspension at sa mga hakbang na humadlang sa mga itinalagang pansamantalang opisyal na gampanan ang kanilang mga tungkulin habang suspendido ang mga lokal na opisyal noong January 2025. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










