Friday, July 31, 2026

DOLE, nakikipag-ugnayan sa ilang tanggapan ng pamahalaan hinggil sa TRO sa dagdag sahod

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilang ahensiya ng pamahalaan para maresolba ang pagpapatigil ng pagpapatupad ng P85 na dagdag sahod sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Sa naging panayam kay Labor Secretary Francis Tolentino, ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Board–NCR ay magpapatulong sa Office of the Solicitor General (OSG).

Ito’y para sa anumang court proceedings hinggil sa temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 sa isyu ng dagdag sahod.

Sinabi naman ni Regional Tripartite Wages and Productivity Board NCR Chair Atty. Sarah Buena Mirasol na ang pagpapatipad ng dagdag sahod ay dumaan sa tamang proseso kung kaya’t magpapatulong sila sa OSG para ipaglaban ito.

Dagdag naman ng kalihim, ang mga manggagawa na una nang nakatanggap ng dagdag na P60 sa sweldo ay hindi maaaring obligahin ng mga employer na ibalik ito dahil wala pa naman inilabas na anunsyo ang NWPC.

Muling iginiit ni Tolentino na kanilang ipaglalaban sa korte ang nasabing umento sa sahod lalo na’t ginagawa ng DOLE ito para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

Sa huli, iginagalang ng DOLE ang desisyon ng korte kung saan pinapayuhan ng kalihim ang mga manggagawa na maging kalmado at ginagawa nila ang nararapat na paraan para matuloy ang usapin sa dagdag sahod.

Facebook Comments