
Arestado ang apat na indibidwal na kinabibilangan ng 3 Chinese national at isang Pilipino matapos na kidnapin ang isang 37 taong gulang na nagbabakasyong Chinese businessman sa Angeles City, Pampanga.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang mga suspek ay sakay ng isang van nang damputin ang nasabing biktimang Chinese national, gabi ng Agosto 2 sa isang establisyamento sa kahabaan ng Friendship Highway, sa syudad.
Ayon kay PNP-AKG Director Police Brigadier General Edwin C. Balles, ang nasabing insidente ay isang kidnapping for ransom kung saan humihingi ang mga nasabing suspek ng halagang 1 million dollar.
Aniya, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang isa sa mga suspek ay customer sa supermarket na pagmamay-ari ng biktima kung saan posibleng nagmamanman na rin ito bago pa gawin ang nasabing pag-kidnap.
Hindi naman natuloy ang pagbibigay ng ransom dahil nakatakas ang biktima sa mga suspek matapos na lumundag sa bintana kung saan ang mga suspek ay nakatulog dahil nag-inuman.
Anim ang itinuturing na suspek sa nasabing insidente kung saan apat rito ay naaresto at na-inquest na kahapon para sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention habang may dalawa pang hindi nahuhuli.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Bureau of Immigration (BI) para malaman ang tunay na pagkakakilanlan ng mga naarestong Chinese nationals.










