
Maaaring maharap si Vice President Sara Duterte sa panibagong impeachable offense matapos aminin ng kanyang defense team sa impeachment trial na gumamit ito ng mga alyas sa mga acknowledgment receipts na may kaugnayan sa paggastos ng confidential funds.
Binanggit ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na, batay sa Anti-Alias Law, pinapayagan lamang ang isang tao na gumamit ng alyas kung gaganap sa mga pelikula, sa telebisyon, o kung may pahintulot ng korte.
Ayon kay Chua, kung ang paggamit ng mga alyas ay hindi papasok sa mga exceptions na pinapayagan ng Anti-Alias Law, maituturing itong culpable violation of the Constitution na isa sa mga grounds for impeachment.
Diin ni Chua, taliwas ito sa sinumpaan ni Duterte bilang Bise Presidente na susundin niya ang lahat ng batas ng bansa, kasama na ang Konstitusyon.










