Illegal recruiter na kabilang sa nasagip sa Myanmar scam hub, arestado pagdating ng Pilipinas

Inaresto ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NBI-IAID) pagdating sa Pilipinas ang isang babaeng recruiter na kabilang sa mga Pilipinong nasagip mula sa isang scam hub sa Myanmar.

Ang illegal recruiter ay kasamang dumating ng Pilipinas ng 12 mga Pilipinong biktima ng human trafficking kung saan sila ay nasagip ng mga sundalo mula sa Democratic Karen Benevolent Army (DKBA).

Ayon sa mga biktima, sapilitan silang pinagtrabaho ng hanggang 16 oras kada araw sa isang scam hub.

Hindi anila sila pinapasahod, kulang sa pahinga at nakaranas sila ng pang-aabuso mula sa mga dayuhang nagpapatakbo ng scam hub, lalo na kapag hindi nila naabot ang itinakdang quota.

Ang naarestong illegal recruiter na kinilalang si Jessa Marie Casidsid ay natuklasan na siya mismo ang nag-recruit sa pito sa kanyang mga kasamahan.

Ayon sa mga biktima, inalok sila ni Casidsid ng trabaho sa Thailand bilang customer service representative at pinangakuan sila ng buwanang sahod na $1,500.

Gayunman, sa halip na sa Thailand ay dinala sila sa Myanmar at pinagtrabaho sila sa isang scam hub.

Ang naarestong illegal recruiter ay nahaharap sa nga kasong paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Facebook Comments