
Hindi awtomatikong maituturing na budget cut sakaling mas mababa sa hiningi ng isang ahensiya ang pondong inaprubahan.
Ito ang paglilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) sa gitna ng isinasagawang budget deliberations ng kongreso sa para sa pambansang pondo sa 2027.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, ibinabatay nila ang nakaraang budget, aktuwal na paggamit ng pondo, mga pangangailangan ng programa, prayoridad ng pamahalaan, at available na resources sa pagtukoy ng pondong ilalaan.
Nasa halos P12 trillion umano ang pinagsamang budget proposals ng mga ahensya, kabilang ang special purpose funds at automatic appropriations kumpara sa P7.2 trillion na proposed National Budget.
Ayon sa Budget Department, nasa mahigit P643 billion ang pondo na nakalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Kabilang sa mga major infrastructure Flagship Projects ang bahagi ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project at iba pang proyekto sa ibang lugar sa bansa.
Kahapon nang matalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa 2027 budget ang ilang flood control projects sa Metro Manila na naging epektibo sa pagtugon sa problema kontra baha.
Sinabi ni Senator JV Ejercito na naging epektibo ang pagtugon ng Navotas City sa pagbaha kahit na nasa 70 porsyento nito ang nasa below sea level.
Ipinakita aniya ng lungsod ang kahalagahan ng pangmatagalang pamumuhunan sa imprastraktura para sa flood control.
Kabilang sa epektibong proyekto ang navigational gate, coastal dike, at network ng mga pumping station ng lungsod para makontrol ang tubig-baha para maiwasang makapasok ang tubig-dagat sa mga komunidad tuwing high tide.










