Imbestigasyon sa Narekober na Bangkay sa Loob ng Balon, Patuloy!

*Cauayan City, Isabela- *Patuloy pa ang pagkalap ng karagdagang ebidensya ng PNP Cauayan City hinggil sa narekober na bangkay ng isang lalaki na isinilid sa loob ng abandonadong balon partikular sa Dacanay St. Extension Brgy. San Fermin Cauayan City.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Captain Esem Galiza, tagapagsalita ng PNP Cauayan City, kinilala mismo ng kamag-anak ang biktima na si Edward Dalog, 29 anyos, walang asawa at residente ng Brgy. Labinab, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay PCapt. Galiza, Nakumpirma ng PNP Cauayan City ang usap usapan ng mga residente sa Lungsod na mayroon umanong pinatay at itinapon sa loob ng naturang balon base na rin sa naging kwento ng nakakita sa insidente.


Magugunita na narekober kahapon ang bangkay ng biktima nang magtungo sa lugar ang mga kasapi ng PNP Cauayan kung saan nasa state of decomposition na nang maiangat ang katawan ng biktima.

Kita rin sa katawan ng biktima na tadtad ito ng saksak na maaaring sanhi ng kanyang pagkamatay.

Napag-alaman din na halos isang buwan na umanong nawawala ang biktima.

Sa ngayon, kasalukuyan nang tinutugis ang walong suspek na hinihinalang responsable sa naturang insidente.

Facebook Comments