Thursday, October 8, 2026

Impeachment Court, nag-suspend muna ng trial ngayong umaga

Maagang nag-recess o break ang Senate Impeachment Court ngayong umaga matapos mag-rule ni presiding officer Chiz Escudero na suspendihin muna ang impeachment trial para bigyan ng oras ang prosekusyon sa pagpiprisinta sa kanilang testigo mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Naunang hiniling kanina ni public prosecutor Rep. Terry Ridon na unahin munang iprisinta ang financial analyst na testigo bago isalang ang kinatawan mula sa BIR dahil absent o maysakit si Atty. Erwin Matib na siyang magsasagawa ng direct examination sa BIR representative.

Pero inalmahan ito ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison dahil wala sa schedule ang financial analyst at ang kanilang napaghandaan ay ang testigo mula sa BIR.

Iginiit ni Sison na “very unfair” para sa respondent na si Vice President Sara Duterte kung sila sa depensa ang mag-a-adjust gayong ang wala lang naman ay isang abogado ng prosekusyon na magpiprisinta sa testigo mula sa BIR na present naman ngayong araw.

Inirekomenda ni Senator-judge Tito Sotto III na suspendihin muna ngayong umaga ang trial at bumalik sila mamayang hapon pagkatapos ng sesyon at ituloy ang presentasyon ng BIR witness, si Matib man o ibang abogado ng prosekusyon ang magdirect examination dito.

Kinatigan ng mga senator-judges ang suhestyon na ito ni Sotto.

Sa ruling ni Escudero, nakabreak muna ang trial at magbabalik mamayang alas 2:30 o alas tres ng hapon.

Hihintayin din ang desisyon ng prosekusyon kung itutuloy ang presentasyon sa BIR witness, si Matib man o ibang abogado ng prosecution team ang magpiprisinta dito.

Sakaling hindi itutuloy ang presentasyon ng BIR representative, posibleng magdeklara mamayang hapon ng adjournment ng paglilitis at bukas na lamang itutuloy.

Facebook Comments