
Pinamamadali ni Senator Bam Aquino ang paghahanap ng solusyon sa problema ng rotational brownouts sa Visayas at Mindanao.
Giit ng mambabatas, napakalaking pahirap nito sa mga kababayan dahil ang nararanasang rotational brownouts sa rehiyon ay sinabayan pa ng record-high na singil sa kuryente.
Ayon kay Aquino, suportado niya ang imbestigasyon ng mga mambabatas mula sa Visayas para alamin ang ugat ng outages at mataas na singil sa kuryente na naglalaro sa ₱18 hanggang ₱20 kada kilowatt-hour.
Kinwestyon ng senador na ganito ang lagay ng kuryente sa Visayas at Mindanao at tiyak na apektado ang pag-aaral ng mga estudyante at ang operasyon lalo na ng mga maliliit na negosyo.
Sinabi ni Aquino na marapat na hanapan ng solusyon ang problema dahil sa bawat minuto na walang kuryente, nahihirapan ang mga pamilya, maliliit na industriya at pati na rin ang lokal na ekonomiya.










