Impeachment trial laban kay VP Sara Duterte, tuloy na tuloy pa rin

Kasado pa rin ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na sisimulan ngayong 19th Congress at itutuloy hanggang sa 20th Congress.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, susundin pa rin nila ang inilatag na timeline lalo’t wala namang desisyon ang korte na pumipigil para magsagawa ng paglilitis ang impeachment court.

Aniya, sa linggong ito ay magpapadala sila ng notice o sulat sa Kamara para iparating na kailangan nilang iprisinta sa plenaryo ng Senado ang articles of impeachment o iyong mga kaso na inihain laban kay VP Duterte.

Ito ang maghuhudyat para makapag-convene na ang Senado bilang impeachment court.

Maging ang mga robes na susuotin ng mga senador na tatayong senator-judges ay halos kumpleto na at tatahiin na lamang ang mga robes na susuotin naman ng mga bagong senador na papasok sa 20th Congress.

Samantala, mayroon na ring room assignment ang prosecution team pero ang kampo ni VP Sara ay tumangging mag-inspeksyon sa kwartong ini-assign ng Senado dahil may nakabinbin pa silang petisyon sa Korte Suprema na siya namang iginagalang ng Mataas na Kapulungan.

Facebook Comments