
Sa harap na nalalapit na pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa panukalang 2027 national budget ay hinikayat ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang mga kasamahang mambabatas na i-prayoridad ang pagpasa sa panukalang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act.
Diin ni Teodoro, ang proposed CADENA Act ay magpapalakas sa transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Teodoro, itinataguyod ng CADENA Act ang transparency sa paggamit ng pambansang budget upang matiyak na napupunta ang pera ng taumbayan sa itinakdang layunin nito.
Mensahe ito ni Teodoro kasunod ng liham na ipinadala ng isang multi-sectoral group kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Majority Floor Leader Sandro Marcos, Appropriations Committee Chairperson Mika Suansing, at Information and Communications Technology Committee Chairperson Miguel Luis Villafuerte na humihiling na ipasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang CADENA Act.
Ang bersyon ng nasabing panukalang batas na inihain Sen. Bam Aquino ay inaprubahan na sa Senado noong December 2025 habang nakabinbin pa ito Kamara.










