
Ipagpapatuloy na lamang sa susunod na Linggo ang presentasyon ng testigo ng prosecution team.
Ito ay dahil maagang tinapos ngayon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte (VPSD) kung saan iprinisinta ngayong araw si Atty. Karen Batu, officer-in-charge (OIC) ng Records Division ng Office of the Ombudsman na nag-authenticate sa mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise mula 2007 hanggang 2025.
Bagamat may isang oras pa ang paglilitis, hiniling ni Rep. Terry Ridon ng prosecution team na sa susunod na linggo na lamang iprisinta si Atty. Gerardo del Rosario ng Company and Registration Department ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Paliwanag ni Ridon, ayaw nilang mabitin dahil mahaba ang presentasyon ng susunod na testigo na nakatutok sa financial records ng magasawang VP Duterte at Atty. Manases Carpio.
Dahil dito, ipasa-subpoena si Del Rosario sa September 21 at 22.
Samantala, bukas ay walang impeachment trial para bigyang-daan ang pagdinig sa mga amici curiae kaugnay sa isyu ng voting threshold sa conviction o acquittal kay VP Sara.
Kabilang sa mga friends of the court na physically haharap bukas ay sina retired Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno at Associate Justice Adolfo Azcuna habang pinagsumite naman ng legal memorandum si retired Chief Justice Hilario Davide Jr.
Bibigyan ng limang minuto ang mga senator-judges na magtanong sa mga amici curiae habang ang prosekusyon at depensa na magtatanong sa mga legal luminaries ay maaaring magtanong pero ito ay idadaan kay presiding officer Chiz Escudero.










