Thursday, June 25, 2026

PBBM, nadurog ang puso sa Tacloban school shooting incident; ugat ng krimen, pinatutukoy ng pangulo

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad tukuyin ang ugat ng madugong insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
 
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, nadurog ang puso ng pangulo sa nangyaring trahedya sa nasabing paaralan.
 
Hindi aniya katanggap-tanggap para sa pangulo ang ganitong uri ng karahasan, lalo na kung mga kabataan ang sangkot at kapwa kabataan ang nagiging biktima.
 
Dahil dito, nais ng pangulo na agad matukoy ng mga awtoridad ang ugat ng krimen upang makapagsagawa ang pamahalaan ng mga hakbang na pipigil sa pag-ulit ng ganitong karahasan.
 
Giit ng Palasyo, hindi dapat balewalain ang insidente at dapat itong magsilbing panawagan upang mas paigtingin ang paggabay, disiplina, at pangangalaga sa mga kabataan, at mailayo sila sa karahasan at iba pang maling gawain.

Facebook Comments