Importer ng sibuyas, sinampahan ng reklamo ng DA-BPI matapos mag-angkat ng sibuyas mula China ng walang permit

Sinampahan ng reklamo ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry ang JRA and Pearl Enterprises Incorporated at mga direktor nito.

Ito ay matapos ang iligal na pag-angkat ng 25 metriko tonelada ng sariwang dilaw na sibuyas mula sa bansang China na wala umanong kaukulang permit.

Ayon sa ulat ng DA, sinabi ni Henrick Exconde ng BPI National Plant Quarantine Division na sinuspinde ng BPI ang pag-iisyu ng Sanitary at Phytosanitary Import Clearances para sa sariwang dilaw na sibuyas mula Enero 1 hanggang Agosto 19 noong nakaraang taon.

Gayunpaman, nag-import umano ang JRA ng sibuyas noong Hulyo 2024 na tinatayang nagkakahalaga umanong 2.37 milyong piso na dumating sa South Harbor Manila, at isa aniya itong paglabag sa regulasyon ng Food Safety at Plant Quarantine.

Paliwanag pa ng DA, na kabilang sa sinampahan ng reklamo ay ang pangulo ng JRA na si Jessica Pascual, kasama ang kanyang mga Director na sina Jacob Tuballa, Perlita Tuballa, Joezel Tuballa, at Joward Tuballa.

Dagdag pa ng DA na nabigo umano ang JRA na magbigay ng maayos ma paliwang kung bakit ito nag-angkat ng sibuyas nang hindi muna kumukuha ng kaukulang Sanitary at Phytosanitary Import Clearances o SPSIC na nagtitiyak na ligtas gamitin ang mga gulay at hindi ito magiging sanhi ng pagkalat ng peste o sakit sa halaman.

Facebook Comments