Thursday, September 24, 2026

INSPEKSYON SA MGA KASALUKUYANG ROAD ELEVATION, DRAINAGE PROJECT SA MAYOMBO-CARANGLAAN, PATULOY

Patuloy na iniinspeksyon ang isinasagawang road elevation at drainage system project sa Mayombo-Caranglaan, Dagupan City upang matiyak ang kalidad at maayos na pagpapatupad ng proyekto.

Bahagi ito ng mga hakbang ng Lokal na Pamahalaan ng Dagupan at Department of Public Works and Highways o DPWH para matugunan ang problema sa pagbaha sa lugar.

Matatandaang nagtungo sa lungsod si DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon upang inspeksyunin ang mga lugar na nakararanas ng pagbaha.

Sa kasalukuyang proyekto, itataas ang lebel ng kalsada sa halos kapantay ng M.H. Del Pilar Street, na ayon sa impormasyon ay hindi gaanong naaapektuhan ng pagbaha kahit may kalamidad.

Ayon kay City Engineer Josephine Corpuz, magkakaroon din ng drainage system sa magkabilang panig ng kalsada, batay sa naging pagtalakay sa plano kasama ang DPWH.

Isang lane muna ang kasalukuyang isinasailalim sa konstruksyon habang nagpapatuloy ang proyekto.

Samantala, inihahanda na rin ang proposal upang maisunod sa proyekto ang iba pang bahagi ng Mayombo-Caranglaan matapos makumpleto ang kasalukuyang ginagawa.

Ayon naman kay Mayor Belen Fernandez, nagpapatuloy ang pumping operations at iba pang flood mitigation projects sa Mayombo-Caranglaan, Zamora Extension, Burgos-Ab Fernandez, Carael at Calmay.

Hinimok din ng alkalde ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa lokal na pamahalaan ang anumang problema o reklamo kaugnay ng pagbaha at mga isinasagawang proyekto upang maaksyunan ang mga ito.

Patuloy naman ang monitoring ng mga kinauukulang tanggapan sa mga proyekto bilang bahagi ng mga hakbang ng lungsod laban sa epekto ng pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments