Thursday, September 24, 2026

BSKE ASPIRANTS SA DAGUPAN CITY, UMAASANG MATUTULOY ANG HALALAN SA NOBYEMBRE

‎Patuloy ang paghahanda ng mga nagnanais tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026 sa Dagupan City, sa kabila ng mga usaping maaaring makaapekto sa nakatakdang iskedyul ng halalan.


‎Kahapon, Setyembre 23, isinagawa ang unang batch ng pre-candidacy orientation para sa mga aspirants sa Dagupan City Plaza, bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na halalan.


‎Sa panayam ng IFM News, nagpahayag ng pagnanais ang ilang aspirants na matuloy ang halalan upang mabigyan ang mga mamamayan ng pagkakataong makapili ng kanilang mga magiging lider sa barangay at kabataan.


‎Ayon kay Joshua Gonzales, aspirant sa pagka-barangay chairman, mahalagang maituloy ang halalan upang maisagawa ng mga botante ang kanilang karapatang pumili ng nais nilang mamuno sa kanilang komunidad.


‎Samantala, para naman kay Moirah Santarin, aspirant sa pagka-SK kagawad, mahalagang matuloy ang halalan upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang kwalipikadong indibidwal na nais maglingkod sa kabataan at sa kanilang komunidad.


‎Gayunman, kasabay ng kanilang paghahanda, sinabi ng mga aspirants na kailangan ding maging handa sa posibilidad na magkaroon ng pagbabago sa iskedyul ng halalan.


‎Sa kasalukuyang calendar ng COMELEC, nakatakda ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2, 2026.

‎Sa halip na ihinto ang paghahanda, patuloy na isinasagawa ng mga aspirants ang mga kinakailangang hakbang sakaling matuloy ang halalan sa itinakdang petsa.

‎Kasabay nito, sinabi nilang handa rin silang sumunod sa magiging pinal na desisyon ng mga kinauukulang awtoridad sakaling magkaroon ng pagbabago sa araw ng halalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments