
Patay ang isang miyembro ng Hizon Robbery Group na nanloob kahapon ng gabi sa 2 convenience store sa Batangas City matapos makaengkwentro ng mga pulis.
Ayon sa ulat ng pulisya, naispatan ng mga operatiba sa San Antonio Quezon ang mga suspek na si alyas “Lex “ at alyas “Angelo” sakay ng kanilang motorsiklo pagkatapos nitong manloob sa dalawang conveniece store sa Batangas City.
Kung saan nagpaputok ang mga suspek na ginantihan na rin ng putok ng mga operatiba na nagresulta sa pagkakasugat ng kaliwang balikat ng isang pulis.
Ang dalawang mga suspek ay nagtamo rin ng mga sugat kung saan pareho silang dinala sa ospital ngunit dineklarang dead on arrival si alyas “Lex” na tinamaan ng bala sa ulo.
Pagkatapos ng nasabing insidente, ayon kay Region 4A Spokesperson Police Lt. Col. Milany Martirez, sumuko sa pulisya ang lider ng nasabing grupo at isa pa nitong myembro sa isinagawang follow up operation ng Regional Intelligence Division ng PRO CALABARZON.
At large naman ang isa pang natitirang myembro ng nasabing grupo.
Inihahanda naman na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso sa mga naarestong suspek.
Samantala, naniniwala naman ang pulisya na ang pagkakaaresto ng mga suspek ay makakatulong para maresolba ang serye ng mga nakawan sa mga convenience store sa nasabing rehiyon.










