Nagbigay-pugay ang Pamahalaang Bayan ng Calasiao sa isang centenarian at kinilala ang dalawang natatanging nagtapos sa isang programa na nagpapakita ng pagpapahalaga sa mga mamamayan.
Isa sa mga tampok sa programa ang pagbibigay-pugay kay Nanay Cristina Atienza Cubo, na mas kilala bilang “Nanay Etay” ng Barangay Lasip, sa pagdiriwang ng kanyang ika-100 kaarawan.
Kinilala si Nanay Etay hindi lamang sa pag-abot sa isang siglong buhay kundi maging sa kanyang kasiglahan at pagmamahal sa Waltz at pagsasayaw, na nagsisilbing inspirasyon sa kanyang pamilya at sa buong komunidad.
Kasabay nito, ipinagmalaki rin ng Pamahalaang Bayan ang dalawang kabataang Calasiaoan na nagtapos nang may mataas na karangalan sa kani-kanilang unibersidad.
Tinanggap ni Marvin Agbuya De Guzman ang pinakamataas na parangal na Summa Cum Laude matapos makapagtapos ng Bachelor of Arts in Philippine Studies sa University of the Philippines Diliman.
Samantala, nagtapos naman bilang Cum Laude si Darylle Gwen Baldueza Bacatan sa kursong Bachelor of Science in Social Work mula sa Saint Louis University.
Pinuri ng lokal na pamahalaan ang kanilang dedikasyon at pagsusumikap sa pag-aaral, at binigyang-diin na ang kanilang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang kabataan upang ipagpatuloy ang pagsisikap tungo sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










