
Nanindigan ang Malacañang na hindi ito makikialam sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit kabilang sa mga article of impeachment ang umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagalang ng Palasyo ang hiwalay na kapangyarihan ng Ehekutibo at Lehislatura.
Ang Senado aniya, bilang Impeachment Court, ang may ganap na kapangyarihang dinggin at pagdesisyunan ang kaso.
Kung mabanggit man ang pangalan ng Pangulo sa paglilitis, sinabi ni Castro na mga impormasyong nakabatay sa katotohanan lamang ang ilalabas ng Malacañang upang malinawan ang publiko.
Sa Article 4 ng impeachment complaint, iniuugnay si Vice President Sara sa umano’y pagbabanta kina Pangulo Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez matapos niyang sabihing mayroon umano siyang kinausap na assassin na papatay sa tatlo sakaling may mangyaring masama sa kanya.










